Tuguegarao City- Emosyonal na ipinagdiwang ng 69 na pamilyang biktima ng landslide sa evacuation sa bayan ng Baggao ang kanilang kapaskuhan.
Sa panayam kay Gemalyn Bangayan, Chairman ng Brgy. Taytay, takot ng umuwi sa kanilang lugar ang mga residente matapos ang paabiso ng Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) na mapanganib na ang lupang pinagyarihan ng insidente dahil sa paglambot nito.
Aniya, sa kabuuan ay mayroong 133 households ang apektado ng pagguho ng lupa at ang iba sa mga ito ay nakitira sa kanilang mga kamag-anak sa ibang barangay ng Baggao.
Bagamat nahihirapan sa kanilang sitwasyon ang mga apektadong residente ay pinilit aniya nilang magsagawa ng simpleng salu-salo sa loob ng evacuation center.
Kaugnay nito ay may mga nagbigay din aniya sa kanila ng simpleng mga regalo at mga noche buena package upang may mapagsaluhan.
Ayon pa kay Bangayan, isa pa sa idinadaing ng mga evacuees ay ang kanilang pangkabuhayan na labis ding naapektuhan dahil hindi rin sila maaaring makapagtanim ng mais sa kanilang bukirin.
Nalubog din umano ang mga pananim na gulay ng karamihan sa kanila kaya’t umapela sila sa pamahalaan ng pangkabuhayang maaaring mapagkakitaan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Samantala, sinabi pa nito na nakahanap na sila ng relocation site na papatayuan ng bahay para sa mga residenteng apektado ng nasabing kalamidad.