Isiniwalat ng isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang sabungero na apat na taon nang pinaghahanap na patay na umano ang mga ito.
Ayon kay alyas “Totoy,” handa siyang tumulong sa mga pamilya ng biktima upang makamit ang hustisya.
Bagamat hindi niya direktang masabi kung buhay pa ang mga nawawala, sinabi niyang “mukhang malabo na,” at inilahad pa na ibinaon umano ang mga ito sa Taal Lake matapos patayin sa pamamagitan ng pagkakasakal gamit ang tie wire.
Aniya, hindi lang 34 ang biktima kundi halos 100 katao, kabilang ang ibang sabungero at mga dawit sa ilegal na droga.
Dahil sa rebelasyong ito, muling nabuhayan ng pag-asa ang mga pamilya ng mga nawawala na mabibigyang-linaw na ang kaso.
Ayon kay Totoy, may hawak siyang ebidensiya at kilala niya ang nasa likod ng krimen.
Pinag-aaralan na ngayon ng Department of Justice ang posibilidad na isailalim si Totoy sa witness protection program, habang tiniyak ng PNP at NBI ang pagbibigay ng proteksyon sa kanya.