Tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may pananagutin sa panibagong substandard na flood control project na nakita sa Naujan, Oriental Mindoro ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor.

Ito ang sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon sa panayam nitong Lunes ng umaga lalo’t completed na ang proyekto pero nasira.

Ani Dizon, ang New Big Four J ang kontratista nito na kailangang ipaayos pa ang nasirang imprastraktura.

Pero kahit pa raw makumpuni ang proyektong nasira, hindi raw makakalusot sa pananagutan ang kontratista.

Ang nasabing imprastraktura ay dalawang flood control projects sa Barangay San Andres sa Naujan na ininspeksiyon kamakailan ni Dolor.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay road dike at esplanade sa Mag-Asawang Tubig River sa Sitio 1 at 2 (isang proyekto) at Sitio 3 at 4 (isa pang proyekto).

Parehong hindi nasunod ng proyekto ang plano at sira pa ang bahagi nito.

Ayon kay Gov. Dolor, kulang din ang kalidad ng sheet pile na ginamit.

Tinanong din si Dizon sa posibleng pagiging malapit ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa kontratista.

Dahil dito, sinabi ni Dizon na walang choice kundi imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ni Bernardo sa proyekto kahit siya ay nasa Witness Protectin Program.

Katulad daw ng unang kaso ukol sa flood control project sa Mindoro, ang mga opisyal din ng DPWH regional office sa Mimaropa ang pumirma ng kontrata.

Patuloy daw na iniimbestigahan ng DPWH ang buong stretch ng flood control project sa Naujan dahil may iba pa raw kontratista na gumawa roon.

Planong bumisita muli ni Dizon sa Mindoro sa mga susunod na linggo para maplano nang mabilis ang pagkukumpuni sa mga nasabing proyekto, at isasama rin daw niya ang mga eksperto mula sa kanilang technical working group.