Umaasa ang pamilya ng napaslang na si Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda kasama ang lima pang kasama nito na maisasampa na ang kaso sa mga pinaniniwalaang sangkot sa pananambang sa tinaguriang Aparri 6, isang taon na ang nakalipas.
Ayon sa biyuda ng Vice Mayor na si Elizabeth Alameda, tiwala ito sa ginagawang proseso ng pulisya para sa pagsasampa ng kasong ‘multiple counts of murder’ laban sa apat na persons of interest.
Matatandaan sa Senate inquiry, kabilang si Aparri Mayor Bryan Dale Chan sa mga pinangalanang persons of interest ng pulisya sa pagpatay dahil sa posibilidad ng anggulong politikal, kasama ang iba pang may kaugnayan sa alkalde at ang may-ari ng get-away vehicle.
Samantala, sa halip na matuwa ay nainis ang mga pamilya sa pagdeklara ni Mayor Chan na day of observance for prayer ang ika-19 ng Pebrero ngayong taon bilang paggunita sa unang anibersaryo ng pagkamatay ng Aparri 6.
Dalawang araw namang ginunita ng pamilya kasama ng kanilang mga supporters ang anibersaryo ng pagpaslang sa Aparri 6 sa pamamagitan ng pag-aalay ng misa at dasal sa bayan ng Aparri habang ang PNP-Nueva Vizcaya ay nag-alay rin ng dasal sa ambush sites.
Matatandaang napaslang sa pananambang noong February noong nakaraang taon ang grupo ni Vice Mayor Alameda sa Brgy. Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya habang bumibiyahe ito papunta sa convention ng Vice Mayors League of the Philippines sa lungsod ng Pasay.