Kasalukuyang nasa ilalim na ng civil at criminal forfeiture ang limang ni-raid na POGO hubs at nasamsam na mga sasakyan ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC.

Sa ilalim ng Republic Act 1379, ang civil at kriminal forfeiture ay isinasagawa upang ipawalang-bisa ang mga ari-arian na napatunayang ilegal na naipon ng anumang opisyal o empleyado ng pamahalaan, at ito ay isasalin sa gobyerno.

Sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na isa sa mga POGO hub na na-forfeit sa Pasay City ay ginagamit ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga biktima ng pang-aabuso.

Ang isa pang POGO hub ay ginawang piitan para sa mga nahuli sa raid dahil sa kakulangan ng piitan sa Bureau of Immigration, ayon pa rin kay Cruz.

Isa pang plano ay gawing paaralan ang POGO hub sa Porac, Pampanga, habang ang hub sa Bamban, Tarlac ay maaaring gamitin ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno matapos ang civil forfeiture cases.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Cruz, mayroon pang 402 illegal na POGO na hinahabol ngayon dahil mula sa 448 POGOs sa bansa noong nakaraang administrasyon, tanging 46 lamang ang nag-renew ng kanilang lisensiya sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).