Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Ballesteros, Cagayan ang tunay na sanhi nang nangyaring sunog sa Barangay Nararagan kahapon ng madaling araw.
Sinabi ni Senior Fire Officer 3 Darwin Agatep, fire marshall ng BFP Ballesteros, agad silang rumesponde kasama ang dalawang fire trucks nang itawag sa kanila na may sunog sa nasabing lugar ng 2:00 a.m.
Idineklara ang fire-out ng 4:00 a.m.
Ayon kay Agatep, lumalabas sa initial investigation na nagsimula ang apoy sa makina ng nakaparada na 10 wheeler truck sa tabi ng bahay ng mag-asawang Oliver at Remelyn Agustin.
Batay sa pahayag ni Ginoong Agustin, sinubukan niyang apulain ang apoy sa makina ng truck subalit nabigo siya kaya tumawag na siya sa kapitan ng barangay na agad din na tumawag sa pulisya at sa BFP.
Sinabi ni Agatep, mabilis na kumalat ang apoy dahil may ilang bahagi ng bahay na gawa sa light materials.
Ayon sa kanya, walang naisalba na anomang kagamitan ang pamilya Agustin.
Tinaya ng BFP na aabot sa mahigit P2.4 million ang pinsala ng nasabing apoy.
Kasabay nito, nanawagan si Agatep sa mga may mabuting puso na magbigay ng anomang tulong sa pamilya Agatep.