TUGUEGARAO CITY- Isasara ang mga sementeryo sa Tuguegarao City sa All Saints’ Day sa November 1 at All Souls’ Day sa November 2.

Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na layunin nito na maiwasan ang mass gathering sa mga sementeryo bilang pag-iingat sa hawaan ng covid-19.

Ayon kay Soriano, bagamat bumababa na ang active cases ng covid-19 sa lungsod, mataas pa rin ang positivity rate na nasa average na 50 kada araw na infection ng virus.

Bukod dito, sinabi niya na nasa 2 hanggang 3 kada araw pa rin ang covid-19 related deaths sa lungsod.

Sinabi niya na 30 ang namatay sa lungsod dahil sa covid mula October 1 hanggang kahapon.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag ng alkalde na mataas din ang post mortem positive case na 20 sa bawat 30 na namamatay ang nagpopositibo sa covid-19.

Dahil dito, sinabi ni Soriano na dudulog siya sa sangguniang panlungsod para magpasa ng ordinansa para sa pagsasara ng mga sementeryo sa November 1 hanggang 2.

Nababahala siya na kung magdagsaan ang mga tao sa sementeryo sa mga nabanggit na araw ay magbubunsod na naman ng ito ng pagdami ng kaso ng covid-19.

Ang Tuguegarao City ay nasa General Community Quarantine classification sa covid-19.

Samantala, sinabi ni Soriano na may itinakdang ibang voters’ registration sa lungsod para sa kanilang “Boto mo,dangal ko” program bukod sa Commission on Election.

Ayon kay Soriano, sa October 14 hanggang 15 ay isasagawa ang pagpaparehistro sa SM downtown para sa mga kabataan, October 21- 22 ang mga senior citizen at persons with disabilities sa Robinsons’ place at para sa lahata ng vulnerable groups ay sa October 25 at 26.

Hinihikayat ni Mayor Soriano ang mga kualipikadong mga botante na magparehistro na.