
Hinimok ng limang senador mula sa bagong minority bloc si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court o ICC laban sa kanya.
Naghain sina Senators Francis Pangilinan, Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Bam Aquino ng Proposed Senate Resolution No. 395 noong Mayo 12, 2026.
Sa resolusyon, sinabi ng mga senador na matagal nang iginagalang ng Senado ang mga judicial at prosecutorial process laban sa mga miyembro nito at dating opisyal ng gobyerno.
Binanggit nila ang naging pagsuko noon ni dating Senador Juan Ponce Enrile, gayundin ang mga legal na hakbang nina dating Senador Leila de Lima at dating Senador Antonio Trillanes IV sa kani-kanilang mga kaso.
Ayon pa sa resolusyon, walang constitutional o legal authority ang Senado upang magbigay ng “protective custody” o sanctuary laban sa lawful arrest at judicial processes.
Kasalukuyang nasa ilalim ng protective custody ng Senado si Dela Rosa habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa kanyang petisyon para sa temporary restraining order laban sa implementasyon ng ICC warrant.
Samantala, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na iginagalang niya ang hakbang ng minority bloc ngunit naniniwala siyang dapat bigyan si Dela Rosa ng pagkakataong maubos muna ang lahat ng legal remedies sa bansa.
Giit ni Cayetano, mahalagang masubukan kung paano haharapin ng Pilipinas ang usapin ng hurisdiksyon ng ICC at ng Saligang Batas ng bansa.










