Plano ng pamahalaan na muling gamitin ang Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hubs sa bansa sa sandaling ma-forfeit ang mga ito.
Sinabi ni Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), makikipag-ugnayan sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) na pinanumumunuan ngayon ni Jonvic Remulla, at sa Inter-Agency Task Force (IATF) upang pag-aralan ang mga options na gawing pasilidad tulad ng paaralan at government buildings ang Pogo hubs.
Ipinaliwanag ni Cruz na ang mga sinalakay na Pogo hubs ay kasalukuyang isinasailalim sa civil at criminal forfeiture, at ang kasunod ay ipapasakamay sa pamahalaan.
Sinabi niya na pakikinabangan ng mga komunidad ang mga nasabing Pogo hubs kung maipapasakamay sa pamahalaan ang ownership sa mga ito, lalo na ang mga nasa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac.