Tuguegarao City- Magkasunod na engkwentro ang naganap sa pagitan ng 54th Infantry Battalion, Philippine Army at ng mga miyembro ng New People’s Army sa probinsya ng Ifugao.
Sinabi ni MAJ. Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Infantry Division Philippine Army, na nakasagupa ng kasundaluhan ang grupo ng mga rebeldeng kabilang sa kilusang larangang guerilla marco sa Ilocos-Cordillera regional committee.
Unang naganap ang sampung minutong bakbakan nitong ika-13 ng Setyembre sa Brgy. Nanggulunan sa bayan ng Hungduan matapos ipagbigay alam ng ilang mga residente ang kinaroroonan ng mga NPA.
Ayon kay Tayaban, nasundan pa ang sagupaan ng magkabilang panig ng magsagawa ng hot pursuit operation ang kasundaluan kahapon Setyemre 14 ng madaling araw.
Sinabi nito na wala namang nasaktan sa panig ng mga sundalo habang inaalam pa kung may mga nasugatan sa kampo ng NPA.
Inihayag pa niya na natagpuan din ng kanilang hanay ang kuta ng mga rebelde na kayang maglaman ng 50 na katao.
Hinikayat naman ni Tayaban ang mga makakaliwang grupo na sumuko nalang at tutulungan sila ng pamahalaan sa pagbabagong buhay.
Ito ay bunsod ng magkakasunod na pagsuko ng ilan nilang mga kasamahan na nagresulta umano sa pagliit ng kanilang bilang.