Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Linggo na ang mga susunod na flood control project ng pamahalaan ay isasagawa alinsunod sa mga umiiral na plano at sasailalim sa mahigpit na pagbabantay upang matiyak na maipapatupad nang tama.

Dagdag pa niya, gagamitin ng pamahalaan ang kasalukuyang panahon upang masusing planuhin ang mga proyekto upang sa pagdating ng 2027 ay tuluyan nang maisakatuparan ang konstruksyon ng mga kinakailangang istruktura sa mga lugar na madalas bahain.

Ayon kay Dizon, may ilang bahagi ng Mindanao partikular sa Cagayan de Oro, Cotabato, at Maguindanao, na nangangailangan ng flood control projects dahil sa pagiging flood-prone ng mga ito.

Nagkaroon ng malawakang pagbaha sa maraming lugar sa Visayas at Mindanao sa mga nagdaang araw dulot ng pag-ulan na dala ng bagyong Basyang.

Binanggit din ng DPWH secretary na panahon na upang isumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang lahat ng impormasyong at ebidensiyang nakalap mula sa kanilang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kailangan ng Ombudsman at DOJ ang mga dokumentong ito upang maisampa ang kaukulang kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian.

Sa panukalang P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., P2.49 bilyon ang inilaan para sa maintenance at iba pang operating expenses (MOOE) ng mga umiiral na flood control at drainage system, mga istruktura, at iba pang kaugnay na pasilidad.

Gayunman, sinabi ng DPWH na walang nakalaang pondo para sa mga bagong locally-funded flood control project sa panukalang badyet para sa 2026, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na i-streamline ang gastusin ng ahensiya.