Pinaghahanap na ang mga indibidual na nanakit sa aso na si Tiktok sa pamamagitan ng pana sa Negros Occidental.

Ito ay matapos na manawagan si Senator Grace Poe sa mga residente sa bayan ng Murcia na tulungan ang local government unit at animal welfare groups sa paghahanap sa mga indibidual na pumana sa nasang aso.

Binigyang-diin ni Poe na dapat na maparusahan sa ilalim ng batas ang mga responsable sa pananakit sa nasabing aso.

Sinabi pa niya na walang lugar sa lipunan ang mga tao na walang awa sa mga inosenteng mga nilikha.

Matapos na mag-viral ang insidente, nanawagan si Poe ng agarang pagpasa ng pagbabago sa Animal Welfare Act, at iginiit na lagyan ng mas malakas na ngipin ang kasalukuyang batas at bigyan ng kakayahan ang mga barangay para sa pagtugon sa mga kaso ng pagmamalupit at pagbabalewala sa mga aso at iba pang hayop.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nag-alok din ang ilang opisyal ng pamahalaan ng pabuya sa sinomang makakapagbigay ng mga impormasyon at pagkakahuli sa mga nanakit kay Tiktok.

Kabilang sa mga nag-alok ng pabuya ay si Murcia Mayor Gerry Rojas, kung saan magbibigay siya ng P10,000 sa mga makakapagturo sa mga taong nanakit sa nasabing aso.