Nagsanib-pwersa ang mga tauhan ng Tactical Operations Group 2 (TOG 2) ng Philippine Air Force (PAF), 98th Infantry “Masinag” Battalion (98IB), at 103rd Infantry “Mabalasik” Battalion (103IB) sa ilalim ng 503rd Infantry “Peace and Justice” Brigade ng 5th Infantry “Star” Division (5ID) para sa paghuhulog ng mga leaflets at resupply mission sa mga lalawigan ng Apayao at Kalinga.
Partikular na target ng leaflet-dropping ang mga barangay ng Nabuangan, Maragat, Dagara, Katablangan, Karagawan, at Lenneng sa Apayao.
Layon nito na pasiglahin ang pakikipagkaibigan sa mga lokal na komunidad at magbahagi ng mahalagang impormasyon, para sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa lugar.
Bukod dito, sinusuportahan din ng aerial reconnaissance at resupply mission ang 503rd Infantry Brigade na nakatalaga sa Barangay Calanan, Tabuk City, Kalinga upang matiyak ang sapat na alokasyon ng mga pangunahing pangangailangan ng mga sundalo at masiguro ang kakayahan para maprotektahan ang komunidad at itaguyod ang seguridad sa rehiyon.
Ang nasabing hakbang ay nakatuon din sa mandato nito sa pambansang seguridad, pagbuo ng kapayapaan, at pag-unlad sa rehiyon ng Cordillera.