Bukas ngayon ang lahat ng mga tourist activities sa lambak ng Cagayan maliban lamang sa mga caving activities ayon sa Department of Tourism (DOT) Region 2.

Ito ang inihayag ni Tom Santos, Senior Tourism Operations Officer ng ahensya matapos ang pagtama ng maginitude 7 na lindol sa nakalipas na Linggo na naranasan din sa rehiyon.

Bilang pag-iingat at upang mabigyan ng pagkakataon na makapagsagawa ng assessment ang mga LGUs ay naglabas aniya ng advisory ang DOT Region 2 na nagsususpindi sa mga caving activities para sa kaligtasan ng mga turista.

Sa oras na matiyak na ng mga LGUs ang kahandaan ay nasa kanilang pagpapasya na ang pagbubukas ng mga ito sa turismo.

Bukod sa Tucalana Ruins sa bayan ng Lal-lo na nakitaan ng mga bitak ay wala ng iba pang tourism sites sa lambak ng Cagayan ang naapektohan ng lindol.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni Santos, mas mainam nang maging alerto ang lahat ng mga LGUs na maglatag ng mga hakbang para sa kaligtasan ng lahat ng mga turistang bumibisita sa kanilang ipinagmamalaking mga pook pasyalan.