Nagbabala ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)na posible ang landslides at flashfloods sa ilang lugar sa Luzon sa gitna ng nararanasang malalakas na ulan dahil sa low pressure area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat.
Sa geohazard advisory, sinabi ng MGB na 252 barangays sa Cagayan, Isabela, Zambales, Bataan, Apayao, Kalinga, at Ilocos Sur ay may panganib ng nasabing sakuna.
Sinabi pa ng MGB na ang iba pang probinsiya na apektado ng LPA at Habagat, ay pinapayuhan na maging alerto at maghanda.
Ayon sa state weather bureau, asahan ang malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon hanggang Linggo dahil sa epekto ng LPA at Habagat.
Batay sa weather advisory kaninang umaga, ang LPA ay magbabagsak ng ulan na mula 100 hanggang 200 mm sa Cagayan ngayong araw hanggang bukas.
Ang ulan na mula 50 hanggang 100 mm ay mararanasan din sa Batanes, Apayao, Abra, Kalinga, and Ilocos Norte sa parehong panahon.
Samantala, magdudulot naman ang Habagat ng mula 100 hanggang 200 mm na ulan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro ngayong araw hanggang bukas ng hapon.