TUGUEGARAO CITY-Nag-deploy ng team ang Mines and Geosciences Bureau (MGB)Region 2 na magsagawa ng assessment sa mga insidente ng landslide at pagbaha sa lalawigan partikular sa hilagang bahagi ng Cagayan.
Ayon kay Felicitas Peligan, chief Geologist ng MGB Region 2, unang tinignan ang bayan ng Baggao lalo na sa Brgy Asassi dahil nagkaroon na ng bitak ng lupa ang palibot ng eskwelahan.
Aniya, inirekomenda umano ng ahensiya sa Local Government Unit ng Baggao na i-relocate ang mga mag-aaral dahil nakitaan ng tension crack ang Massissit Elementary School na maaring gumuho anumang oras lalo na kapag mayroong malakas na buhos ng ulan.
Kaugnay nito, sinabi ni Peligan na gagawa ng rekomendasyon ang MGB batay sa resulta ng ginagawang mapping.
Dagdag pa niya na mababaw na ang mga ilog dahil sa mga naimbak na lupa mula sa mga kabundukan kung kaya’t hindi nito kinaya ang tubig ulan na mula sa bahagi ng Apayao at Abra na dahilan ng nararanasang pagbaha sa probinsiya.
Inihayag din nito na mayroon nang isinagawang geo-hazard mapping na ikinalat na sa iba’t-ibang brgy para magamit na ang mga ito sa pagpaplano at basehan sa force evacuation kung mayroong banta ng sakuna.