TUGUEGARAO CITY- Walang nakitang sink hole ang Mines and Geosciences Bureau sa Itbayat, Batanes matapos ang magkasunod na lindol doon.
Sinabi ni Oliver Hans Lapiña, senior geologist ng MGB, nagsagawa sila ng assessment sa Itbayat upang malaman kung may sink hole na dahilan ng pagguho ng maraming bahay at iba pang gusali sa lugar.
Sinabi niya na wala kasing matibay na pundasyon ang mga bahay at iba pang gusali sa lugar at gawa pa ito sa limestone na mabilis na natutunaw sa acid water.
Kasabay nito, sinabi ni Lapiña na may nakitang mga bitak sa mga bahay at gusali sa Itbayat at delikado na umano itong gamitin dahil posibleng humuho ang mga ito kapag may malalakas na ulan.
Kaugnay nito, sinabi ni Lapiña na maaari pa namang magpatayo ng mga istraktura o mga bahay sa mga lugar na may guho subalit kailangan na tiyakin na mayroon na itong matibay na pundasyon.
Sinabi naman ni Mario Ancheta, director ng MGB Region 2 na pwede pa ring magpatayo ng mga bahay sa Itbayat basta’t sundin lamang ang mga nakasaad sa building code.
Ayon sa kanya, maaari namang panatilihin ng mga residente ang dating disenyo ng kanilang mga bahay subalit kailangan na may matibay na itong pundasyon upang hindi na guguho kung mayroon na namang malakas na lindol.