Patuloy na sinusuyod ng pwersa ng kasundaluhan ang mga liblib na lugar sa Kabugao, Apayao matapos na dalawang beses makasagupa ng kanilang hanay ang isang grupo ng New Peoples Army sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dagui, Barangay Maragat.

Ayon kay Lt. Col Melvin Assuncion, pinuno ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, nagkasa ng security operations ang tropa ng 98th Infantry Battalion matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa presensiya ng makakaliwang grupo sa lugar.

Nasa tinatayang 20 miyembro ng teroristang CPP-NPA mula sa Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) ang nakasagupa ng militar na tumagal ng 20-minuto bandang hapon ng Sabado, April 5 at bandang umaga naman sa ikalawang engwentro nitong Linggo.

Nakuha sa isinagawang clearing operation ang mga improvised explosive devices, ilang matatataas na uri ng baril at ammunitions, mga cellphone at ilang personal na kagamitan.

Sinabi ni Assuncion na walang nasugatan sa panig ng militar ngunit hinihinalang may nasugatan sa mga rebelde dahil sa nakitang bakas ng dugo sa mga narekober nilang gamit.

-- ADVERTISEMENT --

Inutos ni MGen. Gulliver Señires, Commander ng 5ID na huwag lubayan ang pagtugis sa tumakas na NPA members.