Nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng kasundaluhan sa nasa 20 miyembro ng New People’s Army kasunod ng magkasunod na engkwentro sa Balbalan, Kalinga kahapon ng umaga.
Sinabi ni Army Captain Melchor Keyog, civil military officer ng 503rd Infantry Brigade na unang nangyari ang labanan sa pagitan ng mga sundalo ng 54th Infantry Battalion dakong alas 6:00 a.m. sa Barangay Balbalan Proper.
Ayon kay Keyog, habang tumatakas ang nasabing rebeldeng grupo ay nakasagupa naman nila ang mga sundalo ng 103rd Infantry Battalion sa Barangay Maling ng 10:00 a.m.
Sinabi ni Keyog na una nang nakasagupa ng mga sundalo ang nasabing grupo na mula sa Kilusang Larangang Gerilya Baggas na kumikilos sa Kalinga noong May 31, 2024.
Kinilala ni Keyog ang lider ng nasabing grupo na si Thomas Maggay.
Samantala, sinabi ni Keyog na ligtas na mula sa panganib ang isang miyembro ng nasabing grupo na iniwan sa bundok sa Barangay Balantoy matapos na tamaan ng bala ng baril sa kanyang kanang paa sa engkwentro na nangyari noong May 31.
Sinabi niya na isang sibilyan ang nakakita kay Gap-idan Claver Bawit, alyas Akma at Simple at sinabi ito sa mga otoridad.
Matapos na malapatan ng first aid ay dinala si Bawit sa pagamutan
Ang naarestong rebelde ay may kasong kriminal na attempted at frustrated murder na may warrant of arrest.