Muling nakasagupa ng militar ang nalalabing miyembro ng New Peoples Army (NPA) na kasamahan ng limang napaslang na rebelde sa naganap na engkuwentro noong ika-21 ng Setyembre 2021 sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Major. Jekyll Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na sumiklab ang palitan ng putok sa magkabilang panig habang nagsasagawa ng operasyon ang kasundaluhan upang tugisin ang mga tumakas na iba pang miyembro ng NPA.
Ang nasabing engkwentro ay tumagal ng 15 minuto at nangyari din sa bulubunduking bahagi ng Sta Teresita na malayo na sa pinangyarihan ng sagupaan nitong nakaraang Linggo, kung saan walang nasugatan sa panig ng militar.
Muli din nakarekober ang mga tropa ng gobyerno ng tatlong matataas na kalibre ng baril na kinabibilangan ng dalawang M16 rifle, isang AK79 rifle, isang flag ng teroristang grupo at iba pang personal na gamit.
Sa kabila nito, muling nanawagan si Dulawan sa mga aktibo pang miyembro ng NPA na bumaba na, sumuko at pakinabangan ang programa ng gobyerno sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o (E-CLIP) na siyang magbibigay ng daan para sa bagong panimula nila habang hindi pa huli ang lahat.
Samantala, nilinaw ni Dulawan na walang pumilit kundi boluntaryo ang desisyon ng ibat-ibang Unibersidad na tanggalin sa library nito ang mga aklat na inilathala ng teroristang si CPP founder Jose Maria Sison.
Gayunman, nanindigan si Dulawan na tama lamang ang desisyon ng mga Unibersidad na pagmamay-ari ng gubyerno na alisin ang lahat ng mga libro, gamit o anumang bagay ng mga komunista upang matigil na ang panghihikayat ng rebeldeng grupo sa mga mag-aaral o kabataan.
Inihalimbawa rin nito ang ginawang panlilinlang at panghihikayat ng rebeldeng grupo sa mga estudyante na maituturing na child warrior tulad ng PUP student mula Bulacan na si Geian Espeña alyas Marlon, na napaslang sa engkwentro.
Gayundin ang pagkakapaslang kay alyas Titan/Mio na tubong Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan na 16 anyos pa lamang ito noon ng umanib sa kilusan kung saan nagsilbi na rin aniya itong vice commander ng front operations command ng East Front Committee at lider ng Squad Tres.