Dalawang araw matapos ang eleksyon ay nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa bayan ng Baggao nitong alas 5:00 ng madaling araw ng Miyerkules.
Sa panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma ni Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division Philippine Army ang nasabing engkwentro sa pagitan ng tropa ng 77th Infantry Batallion at humigit-kumulang na 20 miyembro ng East Front Commitee sa Sitio Sakat, Brgy Asinga-Via.
Ayon kay Pamittan, isinagawa ang opensiba kasunod ng impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa presensya ng mga armadong rebelde roon.
Aniya, walang casualties sa tropa ng gobyerno at mga sibilyan, habang inaalam pa nila kung may casualty sa NPA matapos ang 30 minutong bakbakan.
Samantala, narekober ng militar ang isang 5.56mm assault rifle na naiwan ng rebeldeng grupo.
Nagpapatuloy naman ang hot pursuit operation ng mga otoridad laban sa mga NPA na tumakas matapos ang nasabing insidente.