TUGUEGARAO CITY- Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang militar sa pinaniniwalaang mga miembro ng New People’s Army na nakaengkwentro ng 17th Ifantry Battalion sa Masi, Rizal, Cagayan.
Sinabi ni Lt. Loyd Orbeta, tagapagsalita ng 17th IB na bago ang engkwentro, nagtungo sa lugar ang mga sundalo upang magsagawa ng beripikasyon sa sumbong na may mga NPA na humihingi ng pagkain sa mga residente at nagsasagawa umano ng recruitment lalo na sa agta.
Dito na umano pinapatukan ng mga NPA ang mga sundalo kaya gumanti rin ang tropa.
Sinabi ni Orbeta na nagtagal ng 10 minuto ang palitan ng putok ng baril.
Ayon sa opisyal, wala namang nasugatan sa panig ng mga sundalo subalit pinaniniwalaan na may nasugatan sa panig ng NPA dahil sa nakitang mga bakas ng dugo.
Idinagdag pa ni Orbeta na nakuha sa pinangyarihan ng labanan ang mga improvised explosive device, mga medical paraphernalia, mga radio at supersibong mga dokumento.
Kasabay nito, sinabi ni Orbeta na posibleng nagtatago sa kabahayan sa kalapit na barangay ng Masi sa San Juan ang mga nasabing rebelde.