Inalerto na ng militar ang pulisya sa pagsasagawa ng checkpoint matapos ang magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng 98th Infantry Battalion at New Peoples Army sa Kabugao, Apayao.

Ayon kay Lt. Col. Melvin Asuncion, acting chief ng Division of Public Affairs office ng 5th Infantry Division (5ID) ng Philippine Army, nangyari ang unang engkwentro sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dagui, Barangay Maragat nitong Sabado ng hapon na sinundan ng tatlong sunud-sunod na engkwentro habang hinahabol ng tropa ng pamahalaan ang rebeldeng grupo.

Nasa tinatayang 20 miyembro ng NPA mula sa platoon dos ng Ilocos Cordillera Regional Committee na pinamumunuan ni alyas Bram ang patuloy na tinutugis ng militar.

Nakuha sa isinagawang clearing operation ang mga improvised explosive devices, ilang matataas na uri ng baril at mga bala, mga cellphone at ilang personal na kagamitan ng NPA.

Sinabi ni Assuncion na walang nasugatan sa panig ng militar ngunit hinihinalang may nasugatan sa mga rebelde dahil sa mga nakitang bakas ng dugo sa mga narekober nilang gamit.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sunod-sunod din ang mga operasyon sa bayan ng Isabela na isinagawa ng 95th at 86th Infantry Battalions (IB), kung saan nakarekober sila ng mga armas at kagamitan ng NPA.

Sa bayan ng Jones, Isabela, narekober ng 86th IB ang isang M16A1 rifle na may tatlong magazine at 38 rounds ng ammunition, na pinaniniwalaang iniwan at ibinaon ng mga miyembro ng KRCB .

Samantalang sa Ilagan, Isabela, narekober ng 95th IB ang isang AK47 at isang improvised rifle.

Ayon kay Asuncion, sa ngayon, patuloy ang koordinasyon sa pagitan ng 5th Infantry Division at PNP (Philippine National Police) upang magsagawa ng mga checkpoint at tiyakin ang posibleng ruta ng pag-atras ng mga NPA.