Tinutugis na ngayon ng mga militar ang mga tumakas na miyembro ng New Peoples Army (NPA) matapos ang labin-limang minutong sagupaan ng dalawang panig sa Barangay Lipatan, Sto. Niño, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Col Jesus Pagala, commanding officer ng 17th Infantry Batallion, Philippine Army na nangyari ang engkuwentro matapos makakuha ng impormasyon ang militar sa umanoy pananakot ng mga rebelde sa mga residente sa lugar.
Nang magresponde ang mga sundalo ay agad umano silang pinaputukan ng nasa tinatayang dalawampung miyembro ng mga rebelde gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Nakuha ng mga sundalo sa encounter site ang dalawang mataas na kalaibre ng baril, sangkap sa paggawa ng Improvise Explosive Device (IED) at iba’t ibang uri ng mga personal na kagamitan at mga dokumento.
Wala namang nasugatan o nasawi sa panig ng sundalo habang pinaniniwalaang may nasugatan sa panig ng mga rebelde base umano sa bakas ng dugo sa encounter site.