TUGUEGARAO CITY- Patuloy na nagsasagawa ng hot pursuit operation ang militar upang matugis ang mga tumakas na rebelde na nakasagupa ng kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion kahapon sa Brgy. Aplaya, Maconacon, Isabela.
Sa panayam kay CAPT Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office, 5th ID, walang nasaktan sa hanay ng militar at hindi rin nagtagal ang palitan ng putok matapos umatras ang mga rebeldeng miyembro ng Komite Probinsya ng Isabela.
Sinabi niya na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga tropa na nasa lugar upang makakuha ng karagdagang impormasyon.
Saad nito, pinaigting ng militar ang pagbabantay sa mga coastal towns ng Isabela matapos ang rebelasyon ng mga dating miyembro ng NPA na sumuko sa pamahalaan na may mga miyembro ng makakaliwang grupo na umaaligid sa lugar.
Layon aniya nito na matigil na ang pananamantala at panlilinlang ng mga rebelde sa mga residente.
Kasalukuyan din aniya ang hot pursuit operation sa pinaniniwalaang mga miembro ng New Peoples Army na nakasagupa naman ng 24th Infantrty Battalion sa Barangay Anayan, Tineg, Abra.
Sinabi ni Pamittan na agad na nagsipagtakbuhan ang grupo sa silangang direksion na patungo sa Apayao matapos ang limang minuto na putukan.
Ayon kay Pamittan, una umanong nagpaputok ang armadong grupo nang makita nila ang tropa ng pamahalaan.
Natuntun ng mga sundalo ang kinaroroonan ng grupo mula sa impormasyon ng ilang residente sa lugar.
Nakuha sa pinangyarihan ng putukan ang isang rifle grenade, mga magazine at bala.
Sinabi ni Pamittan na ang nakasagupa ng tropa ay ang Kilusang Larangang Gerilya ng North Abra na posibleng kumikilos din sa Conner at Kabugao, Apayao.
Dahil dito, sinabi ni Pamittan na patuloy ang ginagawa nilang support program sa mga nasabing lugar upang matiyak na hindi ito tuluyang mapasok ng rebeldeng grupo.
Samantala, sinabi ni Pamittan na mas pinaigting pa nila ang kanilang kampanya laban sa rebeldeng grupo upang matiyak na hindi sila magtatagumpay sa kanilang extortion activities ngayong panahon ng halalan.