TUGUEGARAO CITY- Pinabulaanan ng 5th Infantry Division na planted ang mga nakuhang malalakas na mga baril, mga granada, land mine at maraming bala sa bahay ng dalawang lider ng Anakpawis sa Baggao, Cagayan.
Sinabi ni Major Jekyll Julian Dulawan, ng 5th ID na may dala silang search warrant nang isagawa ang raid sa bahay ni Amanda Echanis, finance officer umano ng NPA sa Cagayan at ni Isabelo Adviento.
Si Echanis ay anak ng pinatay na consultant ng CPP-NPA-NDF Randy Echanis.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng CIDG si Echanis kasama ang kanyang isang buwang sanggol habang si Adviento ay wala sa kanilang bahay ng isagawa ang raid.
Una rito, sinabi ng maybahay ni Adviento na wala silang mga armas sa kanilang bahay at itinanim umano ito ng mga otoridad.
Samantala, mariing pinabulaanan din ni Adviento na may mga itinatago silang mga armas sa kanilang bahay.
Ayon sa kanya, napaka-imposible na may mga armas sa kanilang sala na doon umano nakita ang mga armas dahil laging naglalaro doon ang kanyang mga apo at pamilya.
Sinabi pa ni Adviento na wala siya nang isagawa ang raid dahil sa abala umano siya sa pag-iikot sa ibang lugar sa lalawigan na naapektuhan ng pagbaha at makapaghatid ng tulong.
Sinabi pa niya na ang mga ID na nakuha ay hindi mismo nakita sa kanilang bahay sa halip ay sa kanilang guest house na di kalayuan sa kanilang tahanan.
Binigyan diin pa ni Adviento na ang ginawang raid ay may layunin na patahimikin siya sa kanyang mga ipinaglalaban na para sa mga mahihirap at mga magsasaka at mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Binatikos din ni Adviento ang ginawa raid dahil sa sinira ng mga otoridad ang kanilang pintuan.