Pinabulaanan ng 5th Infantry Division Philippine Army ang ulat kaugnay sa umanoy pagmamaltrato at paglabag sa karapatang pantao ng nahuling miyembro ng New Peoples Army na si Oreon Yosida o “Alyas Brown” habang nagpapagaling sa ospital sa kampo ng militar.
Ayon kay Army Captain Rigor Pamittan ng Division Public Affairs Office (DPAO), nakita rin mismo ng mga kinatawan ng Commission on Human Rights ang kalagayan ni Yoshida sa ospital dahil personal na binisita siya habang nagrerecover.
Binigyang diin nito na walang katotohanan o basehan ang mga ipinapakalat na FAKE NEWS ng mga makakaliwang grupo para lamang makakuha ng suporta.
Sa katunayan aniya ay dinalaw na rin si Yoshida ng kanyang ina na si Maribel Mallari kasama ang iba pa nilang kaanak at napatunayan na maayos ang kanyang kalagayan at inaalagaan ng mga health personnel sa ospital.
Sinabi pa ni Pamittan na batay sa paglilinaw ng mga kaanak ni Yoshida ay wala silang pahintulot upang gamitin ang pangalan ng Tiyuhin nito upang magsumiti ng sulat at makapaghain ng mga apela sa central office ng CHR.
Inihayag niya na wala ring pahintulot ang pamilya ni Yoshida na lumikom ng pera ang mga miyembro ng makakaliwang grupo para sa sinasabi na umanoy pang-piyansa nito bagkus ay paraan lamang aniya nila ito upang makalikom ng pondo na hindi naman talaga mapupunta sa sinasabi nilang layunin.
Gayonman, hinamon ni Pamittan ang lahat ng mga nais makakita sa sitwasyon ni Yoshida na bukas ang tanggapan ng 5th ID para sa lahat ng mga nais bumisita upang personal na makita at mapatunayan ang kanilang agam-agam kaugnay sa sinasabing pagmamaltrato o paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay Pamittan, inihain na rin kay Yoshida ang nakabinbin nitong warrant of arrest dahil sa kasong 3 counts ng Attempted Murder ngunit habang hindi pa siya tuluyang nakaka-recover ay hindi pa siya ililipat sa kanyang court of origin.
Pinag-aaralan na rin ngayon ng Regional Task Force to End Local Communis Armed Conflict (RTF_ELCAC) kung maghahain sila ng kaso laban kay Yoshida dahil bukod sa kasama siya sa mga nakasagupa ng militar ay nakakuha pa ang mga otoridad ng ibat ibang uri ng gamit pandigma sa kanya at ang mga naiwan ng kanilang grupo.
Maging ang pagbibigay ng tulong ay pinag-aaralan na rin ng RTF_ELCAC kung qualified ba siya upang mapasama sa mga benepisyaryo ng programa.
Samantala, labis naman ang pagdadalamhati ng mga kaanak ni Alyas Sisoy, isa sa mga nasawing rebelde sa naganap na sagupaan sa bayan ng Baggao kamakailan, matapos maihatid ng militar ang mga labi nito sa kanilang lugar sa Davao del Norte kung saan ay hindi sila lubos makapaniwala sa sinapit ng kanilang kaanak.