Inihayag ni US President Donald Trump na maaaring tatapusin na ng Estados Unidos ang military campaign sa Iran sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.

Ito ang pinakamalinaw na indikasyon ni Trump na balak na niyang tapusin ang isang buwang digmaan na nagdulot ng malaking pagbabago sa Middle East, nakaapekto sa pandaigdigang merkado ng enerhiya, at nakaimpluwensya sa direksyon ng kanyang pamumuno.

Dagdag pa niya, hindi kinakailangang makipagkasundo ang Iran sa Estados Unidos upang matapos ang sigalot.

Ayon sa kanya, ang mahalaga ay mapahina na nila ang Iran at wala na itong kakayahan na gumawa ng nuclear weapon sa hinaharap.

Kasabay nito, sinabi ni Trump at kanyang administrasyon na hindi nila maipapangako na muling mabuksan ang Strait of Hormuz na kailangan para ideklara na “mission accomplished” sa Iran war.

-- ADVERTISEMENT --

Sa loob ng White House, kinikilala ng maraming matataas na opisyal na isang critical goal ang muling pagbubukas ng strait na kontrolado ng Tehran, hindi lamang sa pagtatapos ng giyera kundi maging sa pagpapababa sa presyo ng langis.

Sinabi pa ng mga opisyal na posibleng abutin ng ilang linggo o ilang buwan bago maibalik ang normal na sitwasyon sa Strait of Hormuz.

Dahil dito, sinabi ni Trump sa mga kaalyadong bansa, na kailangan na akuin ng ilang bansa ang bigat ng kanilang pagsisikap na muling mabuksan ang strait.

Ipinunto niya na dahil halos lahat ng bansa sa Europe ay umaasa sa strait para sa kanilang langis, sila na ang bahala na gumawa ng hakbang upang muli itong mabuksan.

Binatikos din niya ang European nations at sinabing hahayaan niya ang mga ito na lumaban para muling mabuksan ang strait, at hindi sila tutulungan ng US, dahil hindi naman umano tumulong ang mga nasabing bansa sa kanilang hangarin, kung saan ay pinatungkulan niya ang United Kingdom.

Ilang ulit na nanawagan si Trump sa mga kaalyadong bansa na magpadala ng kanilang sariling naval assets sa strait para magsilbing escort ng oil tankers.

Subalit dismayado siya dahil sa walang tumugon sa kanyang panawagan.