Inihayag ng isang opisyal ng militar sa Madagascar na sila na ang namamahala sa kanilang bansa matapos na bumoto ang parliament na i-impeach si Pangulong Andry Rajoelina, kasunod ng ilang linggo na mga protesta ng mga kabataan.

Nagdiwang ang maraming tao sa mga lansangan sa kabisera ng Madagascar matapos na ianunsiyo ni Colonel Michael Randrianirina ang pag-alis ng kanilang pangulo sa kanilang bansa nang sumama na rin ang mga sundalo sa malawakang protesta.

Kasabay nito, sinabi ng military official na bubuwagin nila ang lahat ng institusyon maliban lamang sa lower house ng parliament.

Idinagdag pa ng opisyal na ang komite na pinamumunuan ng militar ay mananatili sa kapangyarihan sa loob ng dalawang taon kasama ang transitional government bago ang pag-organisa ng bagong eleksyon.

Ipinaliwanag niya na sa panahon ng renovation period na magtatagal ng hanggang dalawang taon, magkakaroon ng referendum para sa pagtatag ng bagong konstitusyon, na susundan ng eleksyon para sa unti-unting pagtatag ng mga bagong institution.

-- ADVERTISEMENT --

Sa gitna ng kaguluhan, unang tinangka ng pangulo na buwagin ang lower house sa pamamagitan ng decree.

Subalit nagbotohan ang mga mambabatas para tanggalin sa puwesto ang pangulo, na umalis siya sa kanilang bansa, at hindi hanggang ngayon ay hindi pa mabatid ang kanyang kinaroroonan.

Pinangunahan ng Gen Z ang mga kilos protesta na nagsimula noong September 25, na una ay para ipakita ang kanilang galit sa problema sa tubig at kuryente, ngunit lumawak ito laban sa katiwalian, kakulangan ng serbisyo sa publiko, at matagal nang pamumuno ng gobyerno.

Kasabay nito, lalong tumindi ang tensyon nang magdeklara ng suporta ang elite military unit na CAPSAT sa mga raliyista.

Tinatayang umabot na sa hindi bababa sa 22 ang nasawi sa kilos-protesta, ayon sa United Nations.