
Nagbabala ang Chinese embassy sa Maynila na ang hakbang ng mga senador sa pagpuntirya sa mga diplomat nito ay maglalagay sa panganib ng ugnayang pang-ekonomiya at maaring magdulot ng pagkawala ng milyong trabaho para sa mga Pilipino.
Ang pahayag ng China ay sa gitna ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Beijing at mga mambabatas kaugnay sa patuloy na usapin sa West Philippine Sea.
Sa pahayag ng spokesperson ng China Embassy na si Ji Lingpeng, binatikos nito ang panukala ng ilang senador na idineklarang “persona non grata” ang Chinese diplomat o i-recall ang Chinese ambassador.
Ang pahayag ng embahada ay kasunod ng Resolution No. 256 ng Senado na kumokondena sa pahayag ng Chinese embassy official sa pagpuna sa mga opisyal ng Pilipinas dahil sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at mga karapatan sa karagatan.
Samantala, inalmahan ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña ang nasabing banta ng Chinese Embassy na isa umanong uri ng pangho-hostage sa ekonomiya.
Iginiit nito na dapat tiyakin ng pamahalaan ang kaligtasan at seguridad ng mga Pinoy na naninirahan sa China, Macau
at Hong Kong kapag inulit ng China ang palit-ulo hostage diplomacy nito tulad ng sinapit ng tatlong Pinoy na nakulong doon sa umano’y kaso ng pang-e-espiya.
Umaasa ang solon na babawiin ng Chinese Embassy ang pahayag nito at iiwasan ang mga mapagbantang mga salita bagaman hindi na aniya ito bago sa karakter ng China.
Ayon kay Cendaña noong 2011 ay nagpatupad ng ban ang China sa pagpasok ng mga ini-export na saging at pinya ng Pilipinas sa kanilang bansa bilang Ganti sa standoff sa Bajo de Masinloc.
Kaya dapat anyang umaksiyon ang mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan upang protektahan ang ekonomiya sa mga posibilidad na panggigipit ng China.









