Naglabas ng evacuation warning ang mga awtoridad sa Japan nitong Lunes, Agosto 11, 2025, matapos ang matinding pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa timog-kanlurang bahagi ng bansa.

Ayon sa Japan Meteorological Agency, umabot sa higit 37 sentimetro ng ulan ang bumagsak sa loob lamang ng anim na oras sa Tamana City, Kumamoto — ang pinakamalakas na pag-ulan na naitala sa lugar.

Dahil dito, lumubog sa baha ang maraming bahay, tindahan, at sasakyan, habang winasak naman ng rumaragasang tubig ang ilang kalsada at tulay.

Base sa datos ng Fire and Disaster Management Agency, mahigit tatlong milyong katao ang nakatanggap ng evacuation advisories at warnings, kabilang ang 384,000 residente na isinailalim sa pinakamataas na lebel ng alerto, karamihan sa mga ito ay mula sa Kumamoto Prefecture.

Sa bayan ng Kosa, isang lalaki ang naiulat na nawawala matapos matabunan ng landslide sa labas ng kanyang sasakyan, habang ligtas namang nailigtas ang kanyang asawa at dalawang anak.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Misato town, isang matandang lalaki ang na-trap sa kanyang bahay matapos itong tamaan ng pagguho ng lupa.

Samantala, dalawang residente mula sa Fukuoka City ang napaulat na inanod ng ilog noong Linggo at kasalukuyan pa ring pinaghahanap.

Ayon sa mga lokal na opisyal, patuloy ang pag-ulan sa ilang bahagi ng rehiyon kaya’t hindi pa rin ligtas ang sitwasyon.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na manatiling mapagmatyag ang publiko, lalo na sa mga lugar na hindi karaniwang tinatamaan ng ganitong uri ng kalamidad.