
Mariing binatikos ni Senate Blue Ribbon Committee chair Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang inihain na minority report nina Senadora Imee Marcos at Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng imbestigasyon sa mga flood control project, na aniya’y nagpapakita ng kawalan ng respeto sa komite at sa buong Senado.
Ayon kay Lacson, hindi umano dumaan sa tamang proseso ang naturang ulat at hindi man lamang niya ito binasa.
Tinuligsa rin niya ang umano’y paulit-ulit na pamumuna at panliliit ng minority bloc sa mga pagdinig ng komite. Aniya, bilang mga miyembro ng komite, maaari naman silang dumalo at direktang magtanong o magharap ng ebidensiya sa halip na maglabas ng hiwalay na ulat.
Sinabi rin ni Lacson na beterano na sa paggawa ng batas ang ilang miyembro ng minority at dapat alam nila ang wastong proseso sa pagmumungkahi ng mga amyenda sa ulat ng komite.
Samantala, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang nasabing “minority report” ay tila ginawa lamang para sa atensiyon ng media.
Binubuo ang minority bloc nina Marcos at Marcoleta, kasama sina Senators Jinggoy Estrada, Bong Go, Robin Padilla, Ronald “Bato” Dela Rosa, Joel Villanueva, Francis “Chiz” Escudero, at Alan Peter Cayetano.
Nauna nang iginiit nina Marcos at Marcoleta na bigong sundan ng Blue Ribbon Committee ang mahahalagang lead, kabilang ang umano’y posibleng pananagutan ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Kinuwestiyon din nila ang paghawak sa mga testigong kinilalang “Joy” at “Maria,” na nag-ugnay umano sa contractor na si Curlee Discaya sa isang kumpanyang sinasabing may kaugnayan kay Romualdez.
Giit ng minority senators, maaaring komplikado o lubhang pabaya umano si Romualdez sa kanyang tungkulin.
Sa panig ni Lacson, sinabi niya na hindi sapat ang mga pahayag ng mga testigo upang direktang idawit si Romualdez, ngunit maaari itong magsilbing “lead” para sa karagdagang imbestigasyon ng Department of Justice at ng Office of the Ombudsman.






