
Nanawagan ang minority senators na magbitiw si Senate President Alan Peter Cayetano dahil sa patuloy na hindi pagdalo ng majority bloc sa plenary sessions ng Senado.
Ayon sa magkasanib na pahayag na binasa ni Senator Erwin Tulfo, iginiit ng minority na dapat mag-resign si Cayetano dahil umano sa kabiguang gampanan ang kanyang tungkulin bilang lider ng Senado.
Tinawag ng mga senador na “abandonment of responsibility” at “dereliction of duty” ang nangyaring pag-absent ng majority, na anila ay paglabag din sa mga patakaran ng Senado.
Binigyang-diin nila ang Rule XIV, Section 41 ng Senate Rules, na nagsasaad na maaaring ipagpaliban ang sesyon matapos ang konsultasyon sa Majority Leader at Minority Leader. Ayon sa kanila, hindi ito nasunod.
Giit pa ng minority bloc, hindi dapat maparalisa ang Senado dahil lamang sa hindi pagdalo ng majority, lalo na’t malapit na ang sine die adjournment.
Samantala, kinumpirma nina Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senator Francis “Kiko” Pangilinan na hindi pa rin sumisipot sa plenaryo ang majority bloc, batay sa abiso ng Senate Secretariat.




