TUGUEGARAO CITY- Inihayag ni Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City na papayagan na ang mga minors, senior citizens at persons with disabilities na kabilang sa local stranded individuals na gustong bumalik sa lungsod.
Gayonman, sinabi ni Soriano na hindi papayagan ang mga ito na bumiyahe kung wala silang kasama na kamag-anak.
Bukod dito, sinabi ni Soriano na kailangan pa rin na may dala silang medical clearance certificate at travel authority mula sa place of origin.
Sinabi ni Soriano na kung galing sa high risk area dahil sa covid-19 kailangan na sumailalim sa 14 day quarantine sa itinakdang quarantine facility ng lungsod sa Tuguegarao Science High School.
Para naman sa gustong magpa-quarantine sa labas ng nasabing government facility ay may arranged hotel ang lungsod subalit sasagutin ng individual ang gastusin.
Sinabi pa ni Soriano na sa People’s General Hospital na rin ang processing center para sa mga bumabalik ng lungsod para malaman kung kailangan na sila ay mai-quarantine, home quarantine o direct community immersion.
Sa ngayon, sinabi ni Soriano na 27 ang naka-quarantine sa government facility habang 9 naman ang nasa arranged hotel.
Kasabay nito, nagbabala si Soriano sa mga pumapasok sa lungsod mula sa ibang probinsiya na hindi dadaan sa umiiral na protocol o ang mga nagsisinungaling sa kanilang mga impormasyon na sila ay huhuliin at kung tatanggi ay sasampahan ng kaso sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.
Samantala, sinabi ni Soriano na oobserbahan pa ang pagsuspindi ng paggamit ng control pass ng 15 days na nagsimula ngayong araw.
Subalit sinabi niya na huwag walain ang control pass.
Nagbabala din si Soriano na papanagutin ang mga hindi magsusuot ng face mask at hindi sumusunod sa social distancing sa mga establishments.
Sinabi niya na maging ang mga establishments na pinapayagan ang kanilang mga empleyado na magtrabaho na walang face mask at tatanggap ng mga customer na walang face mask na sila ay mapapanagot sa batas.
Sinabi pa ni Soriano na umaapela sila sa national government na payagan na ang back riding sa lungsod ng mga nakatira sa iisang bahay.
Bukod dito, sinabi ni Soriano na isa lang ang pwedeng isakay pa rin sa tricycle.
Umaasa din siya na sa June 7, 2020 ay papayagan na rin ang 50 percent na dine-in sa mga restaurants at iba pang kainan at posibleng papayagan na rin na magbukas ang mga barber shop at salons.
Samantala, muling sinabi ni Soriano na kailangan nila ng priority listings para sa mga LSIs sa Tuguegarao na gustong bumalik ng Manila dahil sa 11 lang ang dapat na pasahero ng isang coaster na gagamitin sa biyahe sa ilalim ng first come, first serve basis.