Patay ang isang misis na dumanas umano ng depresyon matapos magbigti dahil sa hindi nabayarang utang sa bayan ng Abulug, Cagayan.
Ayon kay PMAJ Norli Gamal, hepe ng Abulug PNP, dead on the spot ang hindi pinangalanang biktima, walang trabaho at residente ng Brgy Calog Sur matapos magbigti gamit ang taling panghatak ng semento.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may problemang pinansyal ang biktima, bukod pa sa naranasang depresyon dahil sa kawalan ng trabaho dulot ng pandemya kung saan pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng kanyang mister at kung minsan ay pumapasok din sa konstruksyon.
Una rito, nadiskubre ng kanyang mister ang nakabiting katawan ng biktima sa kanilang kusina noong madaling araw ng August 23.
Sinabi ni Gamal na hatinggabi nang nakapag-text pa ang biktima sa kanyang tiyahin kaugnay sa gagawin nitong pagpapatiwakal subalit kinabukasan na lamang ito nabasa nang gisingin para tumulong na maibaba ang bangkay.
Nabatid na dati na ring nagtangkang magpakamatay ang biktima.