TUGUEGARAO CITY – Nakalabas na ng kulungan kanina ang ginang na pumatay sa kanyang mister sa Brgy. Baran, Ballesteros, Cagayan.

Ito ay matapos na magdesisyon ang mga anak ng mag-asawa na sina Juanito Gonzales, 58, biktima at Candelaria, 57 na huwag ng magsampa ng kaso.

Sinabi ni Plt. Waltson Malayao ng PNP Ballesteros, sa kanilang imbestigasyon sa isa sa anak ng mag-asawa na nakasaksi sa pangyayari, naging bayolente umano ang lalaki matapos na makainom ng alak at inaway ang kanyang misis.

Kumuha umano ng bolo ang mister at tinaga ang misis subalit nakailag ito hanggang sa kumuha din ng mas malaking bolo ang misis at pinagtataga ang mister hanggang sa mamamatay.

Sinabi ni Malayao na maaaring ang nag-udyok sa misis na patayin ang asawa ay dahil sa matagal na umano siyang sinasaktan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Malayao na hindi umano na-recover ang bolo na ginamit sa pananaga.

Nabatid na may dalawang anak ang mag-asawa.