Nauwi sa trahedya ang pagtatalo ng mag-asawa matapos pagtatagain ng mister ang kanyang misis dahil sa planong pagtrabaho nito sa Maynila.

Nangyari ang krimen bandang alas-5 ng hapon noong Hunyo 5, 2025 sa mismong tahanan ng mag-asawa sa Barangay Tenani, Paranas, Samar.

Ayon sa imbestigasyon ng Paranas Municipal Police Station, uminit ang pagtatalo ng dalawa hanggang sa kumuha ng sundang ang lalaki at ilang beses na inundayan ng saksak ang kanyang asawa.

Dead-on-the-spot ang 38-anyos na biktima.

Nang makitang wala nang buhay ang kanyang misis, agad namang nagpakamatay ang 48-anyos na suspek sa pamamagitan ng pananaksak sa sarili.

-- ADVERTISEMENT --

Naabutan ng mga pulis ang bangkay ng babae sa likod ng bahay, habang nasa loob naman ang duguang katawan ng lalaki.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang sundang na ginamit sa krimen.

Naiwan ng mag-asawa ang kanilang walong anak na ngayo’y ulila na.