
Kinoronahang Miss Universe ang kandidata ng Mexico na si Fatima Bosch.
Nagtapos bilang 3rd runner up ang pambato ng ating bansa na si Ahtisa Manalo.
Fourth runner up ang kandidata ng Cote D’ Ivoire (Ivory Coast), 2nd runner up ang beauty queen ng Venezuela, at first runner up ang kandidata ng host country na Thailand.
Naging confident ang Top 5 candidates sa question and answer, kung saan ang tanong kay Miss Mexico ay tungkol sa mga hamon bilang isang babae sa 2025.
Ang kanyang sagot ay gagamitin niya ang kanyang boses para magsilbi sa iba.
Ang tanong naman kay Miss Philippines Ahtisa ay tungkol sa cause na kanyang susuportahan bilang isang tao na may cultural power.
Pinili niya ang cause ng mga mahihirap sa lipunan, kung saan inihalimbawa niya ang kanyang sarili na umangat ang kanyang buhay na mula sa mahirap na pamilya, dahil sa kanyang pagiging masipag at determinasyon.
Kaugnay nito, inihayag ang susunod na host ng Miss Universe, ang Puerto Rico.
Matatandaan na nabahiran ng kontrobersiya ang pageant.
Nag-ugat ito sa mga akusasyon na pagmamaliit sa intellect ng isang beauty queen, na sinundan ng walk-out ng contestants at ang pag-iyak ng host.
Gumawa ng dramatic exit si Fatima Bosch – suot ang kanyang evening gown at high heels, matapos siyang pagsabihan sa publiko ng Miss Universe host na si Nawat Itsaragrisil sa isang pulong.
Sa livestream ng sesyon, makikita si Nawat na pinangalanan niya ang Miss Mexico, kung saan tinawag niya siyang “dumbhead” sa gitna ng hindi pagkakaunawaan sa umano’y kabiguan nito na i-share ang kailangan na promotional content sa kanyang social media.
Kasunod nito ay umalis ang tatlong miyembro ng jury sa pageant, kung saan may nagsabi pa na may relasyon sa pagitan ng isang contestant at isang judge.










