
Inihayag ni dating Ilocos Sur governor Chavit Singson na hindi na pagmamay-ari nina business moguls
Anne Jakrajutatip at Raul Rocha ang Miss Universe Organization (MOU).
Sinabi ito ni Singson matapos ang pag-uusap sa kanyang anak na si Richelle at dating MUO vice president Shawn McClain, kung saan tinalakay nila ang posibleng pagbili sa global pageant brand.
Ayon kay Singson sa kanyang Facebook post, sinabi niya, sa katunayan ay may arrest warrants sina
Jakrajutatip at Raul Rocha Cantú.
Pinasalamatan din ni Singson si McClain dahil sa inilaan niyang panahon para pag-usapan ang mga posibilidad sa MOU brand.
Una rito, nagpahiwatig si Singson na gusto niyang bilhin ang MOU brand sa gitna ng kasalukuyang mga kontrobersiya ng global pageant matapos ang pinakahuling ginanap na Miss Universe Pageant, kung saan may mga alegasyon ng pandaraya laban sa may hawak ngayon ng titulo na si Fatima Bosch.
Agad naman na sinagot ng kasalukuyang pamunuan ng MUO ang kontrobersiyal na usapin sa pamamagitan ng isang official statement.
Ayon sa kanila, “false and misleading” ang mga kumakalat na balita.
Ayon sa MOU, ang mga nasabing pahayag ay misrepresentation sa ownership at nagpapalito sa nasabing usapin.
Iginiit ng MOU na nananatili pa rin ito sa kasalukuyang nagmamay-ari at liderato.
Idinagdag pa ng MOU na pinag-aaralan na nila ang nasabing usapin kasama ang kanilang legal advisors at gagawin ang lahat ng nararapat at kailangang mga hakbang para harapin at maiwasan ang karagadang walang katotohanan, misleading, o walang pahintulot na mga pahayag.










