Nakita sa Ilocos Norte ang missile system ng Estados Unidos na nakapukaw sa atensiyon ni Russian President Vladimir Putin.

Sa Facebook post, ipinakita ng US Army Pacific Command ang Typhon Mid-Range Capability (MRC) missile system na ginamit sa bilateral army drills na tinawag na Salaknib.

Ang ground-based missile system, na may kakayahan na magpakawala ng Tomahawk at SM-6 missiles ay dumating sa bansa noong June 27 sa military base sa Laoag City.

Una rito, hindi sinabi ni Army spokesperson Col. Louie Dema-ala ang eksaktong kinaroroonan ng nasabing missile system.

Sinabi niya na aalisin na ang nasabing missiles sa bansa sa Setyembre, subalit nilinaw niya na ito ay walang kinalaman sa naging pahayag ni Putin.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na nitong nakalipas na linggo, sinabi ni Putin na ipagpapatuloy ng Russia ang paggawa ng intermediate- and shorter-range nuclear-capable missiles dahil sa pagtalaga ng US ng midrange missile systems sa ating bansa.