Natagpuan na ng mga awtoridad ang nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan sa Ilocos Region, makalipas ang 19 na araw mula nang iulat ang kanyang pagkawala, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Lunes, Disyembre 29, 2025.

Ayon sa QCPD, patungo na ang mga tauhan ng Police Station 5 kasama ang pamilya ni De Juan upang ligtas at maayos siyang sunduin sa lugar kung saan siya natagpuan.

Si De Juan ay iniulat na nawawala noong Disyembre 10 matapos umalis ng bahay upang bumili umano ng sapatos para sa kanyang kasal sa isang mall sa Quezon City, at huling nakita sa isang waiting shed ng gasoline station sa North Fairview.

Hindi na siya nakontak ng kanyang fiancé na si Mark Arjay Reyes dahil naiwan umano sa bahay ang kanyang cellphone.

Dahil dito, bumuo ang QCPD ng isang special investigation team noong Disyembre 15, at itinuring si Reyes bilang person of interest, na ayon sa pulisya ay nangangahulugang maaari lamang siyang may mahalagang impormasyon sa kaso at hindi itinuturing na suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna ring sinabi ng QCPD na nahaharap si De Juan sa mga suliraning pinansyal kaugnay ng kanyang nalalapit na kasal at sa gamutan ng kanyang ama, batay sa isinagawang digital forensic examination sa kanyang mga gadget.