Nagpakamatay ang isang lalaki matapos na makipag-talo sa kanyang asawa dahil lamang sa alagang baboy sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Kinilala ni PMaj Norli Gamal, hepe ng PNP-Gattaran, ang biktima na si John Benedict Bautista, 28-anyos, residente sa Barangay Mabuno.
Sinabi ni Gamal na gabi noong Biyernes, August 30 nang matagpuan ng kanyang misis na si Euli-Ann ang katawan ng biktima na nakabigti sa kisame ng kanilang kusina.
Sa pahayag ng misis ng biktima sa pulisya, matapos nakipag-inuman ay nag-away umano silang mag-asawa sa planong pagbalik sa alagang baboy na hindi naman nabubuntis.
Ngunit, matapos iwanang nanonood sa sala ay binalikan ng kanyang misis ang asawa nito upang tawaging matulog, subalit laking gulat nito nang makita ang nakabiting katawan ng biktima sa kanilang kusina gamit ang tali ng kalabaw.
Isang pirmadong suicide note ang iniwan ng mister ngunit naglalaman lamang ito ng pag-ako sa kasalanan at walang binanggit sa dahilan ng pagbibigti.
Tumanggi naman ang pamilya na isailalim sa autopsy ang katawan ng biktima dahil kumbinsido umano silang sadya itong nagbigti.
—with reports from Bombo Rose Ann Ballad