
Patay ang isang miyembro ng board ng Oriental Mindoro Electric Cooperative Inc. (ORMECO) matapos na barilin kagabi, ayon kay Mindoro Governor Humerlito Dolor.
Sa kanyang Facebook, kinondena ni Dolor ang pagpatay kay ORMECO director Antonio Mendeja.
Sinabi ni Dolor na ipinag-utos na niya kay Police Provincial Director Police Colonel Edison Revita na magsagawa ng imbestigasyon sa nasabing krimen.
Kinumpirma rin ng ORMECO ang pagpatay kay Mendeja.
Nananawagan ang hustisya ang ORMECO para kay Mendeja.
Inilarawan ng ORMECO si Mendeja na isang tao na may integridad at maayos na nagsilbi sa mga mamamayan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay PLt.Col. Joel Paningbatan, chief of the Pinamalayan Police Station, lumabas si Mendeja sa kanyang sasakyan para tignan ang ilaw ng kanyang SUV sa gilid ng kalsada sa Barangay del Razon, nang biglang dumating ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo at binaril niya ang biktima.
Agad na dinala ang biktima na 64 anyos sa community hospital subalit binawian ng buhay dahil sa tama ng baril sa kanyang katawan.
Nabatid na ang ginamit na baril ay 9mm caliber
Ayon sa pulisya, kagagaling ng biktima sa Calapan City sa paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa isang solar light project.
Bumuno na ang mga awtoridad ng Special Investigation Task Group para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagpatay kay Mendeja.










