TUGUEGARAO CITY- Hindi kukunsintihin ng hanay ng kasundaluhan ang iligal na gawain ng kanilang mga miyembro.

Ito ang inihayag ni MAJ Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th ID, Philippine Army matapos mahuli sa ikinasang buy bust operation ang isang miyembro ng sundalo na si SSGT. Joseph Donato sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela.

Sinabi ni MAJ Tayaban na hindi hahayaan ng kasundaluhan na mabahiran ng iligal na gawain ang magagandang ginagawa ng kanilang hanay.

Kaugnay nito, handa aniya silang makipagtulungan sa imbestigasyon sa kaso ni Donato at kung mapapatunayang siya ay nagkasala ay dapat lamang na harapin nito ang kaukulang parusa.

Ayon sa kanya ay ito ang unang pagkakataon na may miyembro ng sundalong nasangkot sa kalakaran ng droga.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay tinututukan naman ng 5th ID ang kanilang monitoring sa mga sundalo at maging ang pagsasagawa ng drug testing upang matukoy kung sino ang mga nasasangkot sa iligal na aktibidad.