Namatay ang isang tabloid photographer habang nagsasagawa ng coverage sa Traslacion ng Poong Nazareno ngayong taon.

Kinilala ang biktima na si Itoh Son, photographer ng Saksi, na sinasabing nakaranas ng atake sa puso kaninang madaling araw malapit sa Quirino Grandstand.

Ayon sa mga katrabaho, may sintomas ng trangkaso si Son ng ilang araw subalit itinuloy pa rin niya ang coverage sa pre-Traslacion activities, kabilang ang Pahalik, dahil sa kanyang pagmamahal sa kanyang trabaho.

Sinabi naman ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, nakita ang photojournalist na nakahandusay na walang pulso malapit sa Manila Police District Station 5.

Agad na dinala si Son sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.

-- ADVERTISEMENT --

Habang nasa ambulansiya, nagawa ng emergency responders na maibalik ang kanyang pulso, subalit idineklara siyang patay na ng mga doktor.