Nilinaw na ng Malacañang ang kalituhan kaugnay ng optional retirement at 4-star rank ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nagkausap na sila ni Torre at nagkaroon na ng malinaw na pagkakaintindihan.

Tiniyak aniya na makakatanggap si Torre ng buong benepisyo bilang isang nag-optional retirement na 4-star general.

Dagdag pa ni Castro, wala na ring isyu sa 4-star rank dahil ililipat na ito kay acting PNP Chief Melencio Nartatez.

Tanggap rin aniya ni Torre ang sitwasyon matapos niyang akuin ang posisyon bilang General Manager ng MMDA.

-- ADVERTISEMENT --

Una rito, sinabi ni Torre na hindi siya nag-apply ng optional retirement.

Matatandaan na tinanggal sa kanyang puwesto si Torre bilang PNP chief nitong buwan ng Agosto, wala pang tatlong buwan nang siya ay maupo.

Sa paliwanag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, tinanggal si Torre sa kanyang puwesto matapos na balewalain ang resolusyon mula sa National Police Commission na humarang sa kanyang kautusan na i-reassign ang ilang PNP offcials kabilang ang pumalit sa kanya na si PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Samantala, batay sa PNP resolution, nakasaad na ang optional retirement ni Torre ay nagkabisa noong December 26, 2025, matapos na italaga siya bilang general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).