Nilagdaan na ni Batanes Governor Marilou Cayco at ng Department of Health (DOH) Region 02 ang Memorandum of Agreement para sa pagtatayo ng bagong hospital sa Itbayat para sa mga biktima ng kambal na lindol nitong Hulyo.

Layon nitong gawing level 1 ang dating infirmary hospital na nasira ng nagdaang lindol.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Cayco na bahagi ng nilagdaang MOA ang pondong nagkakahalaga ng P50 milyon na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatayo ng bagong ospital.

Bukod dito, nilagdaan din ni Cayco at ng Department of Interior and Local Government ang MOA sa P10M donasyon ng China na nakalaan para sa rehabilitasyon at relief operations sa mga biktima.

Sa naturang halaga, sinabi ni Cayco na makakatanggap ng P20,000 ang mga namatayang pamilya, P10,000 sa mga sugatan, habang ang natitira ay para sa partially at totally damaged houses.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inumpisahan na rin ng TESDA – Technical Education and Skills Development Authority ang pagsasanay sa mga residente para sa konstruksyon ng mga bahay at pagsasaayos ng mga sasakyan.

Hiniling rin ni Cayco sa Office of Civil Defense (OCD) ng pagtatayo ng isang logistic hub sa coastal town ng Itbayat na magsisilbing bodega sa pre-positioning ng mga reliefs tuwing may bagyo o iba pang kalamidad.

Gayundin ang pagkakaroon ng isang bangka para sa transportasyon dahil saka lamang naihahanda ang mga ayuda para sa mga biktima pagkatapos ng kalamidad dahil sa problema sa bodega at kalayuan nito.

Samantala, ngayong araw tatanggapin ng gubernador ang tulong pinansiyal mula sa donasyon ng Philippine National Police (PNP) na kanilang nalikom sa fun run.

Makikipagpulong rin si Cayco kay Engr. Arthur IbaƱez, chief executive officer ng Cagayan State University (CSU) Carig campus para sa rehabilitasyon ng Batanes dorm na nasira sa nagdaang Bagyong Lawin.