Isinusulong ngayon ng Simbahang Katolika ang pagsasagawa ng ‘mobile classroom’ sa libo-libong estudyante na apektado sa pagputok ng bulkang Taal.
Plano ng National Secretariat for Social Action o NASSA, ang social action arm ng simbahang katolika na makahanap ng mga teacher volunteers upang magturo sa mga estudyante sa Batangas na ginawang evacuation center ang kanilang mga paaralan.
Sinabi ni Jing Rey Henderson, senior communications officer ng NASSA-Caritas Philippines na isasagawa ang pagtuturo sa mga evacuation centers na kinabibilangan ng mga catholic school habang hindi pa naililipat ang mga evacuees sa kanilang temporary shelter.
Linggo nang pumutok ang Bulkang Taal kaya halos dalawang linggo na ring hindi nakakapasok sa mga paaralan ang mga estudyante.
Samantala, nanawagan si Henderson sa mga nagpapaabot ng tulong na sa halip na damit ay mas makabubuting pagkain, tubig, gamot, banig at iba pang sanitation kits ang ipadala.
Bukod sa mga tulong na kinokolekta ng mga parokya sa Pilipinas, sinabi ni Henderson na patuloy din na dumarating ang mga tulong mula sa mga kasapi ng Caritas Network sa buong mundo.
Hindi pa rin aniya natitiyak kung hanggang kailan magtatagal ang pag-alburoto ng bulkan kung kaya mahalaga ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong lalo na sa mga nasa evacuation centers.
Pinaghahandaan na rin ng social arm ng simbahan ang rehabilitation at restoration program sa Batangas na nasira ang mga bahay at nasalanta maging ang mga kabuhayan.
Sa ngayon, umaabot na sa humigit kumulang na 80,000 indibidwal ang nasa 83 evacuation center na pinangangasiwaan ng simbahang katolika.