Tuguegarao City- Prioridad ngayon ng Calayan Schools District Office ang paglulunsad ng modular learning modality sa nakatakdang pagbubukas ng pasukan ngayong Agosto.

Sa panayam kay Nora Tabaldo, Schools Division Superintendent ng Calayan District, ito ay batay sa resulta ng isinagawang survey upang matukoy ang mungkahi at hinaing ng mga magulang at mag-aaral.

Aniya, mayroong mga lugar sa isla ang hindi naaabot ng radyo at internet kaya’t ito ang isang paraan upang matutukan ang pag-aaral ng mga estudyante.

Ipinasiguro pa nito ang monitoring sa mga mag-aaral kung saan isang paraan sa pagsasakatuparan nito ay ang pagsakay gamit ang bangka upang marating ang nga barangay sa mga karatig isla.

Kaugnay nito ay nilalakad naman ng mga guro ang mga lugar na hindi kayang marating ng motorsiklo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Tabaldo na tatanggap din ang kanilang hanay ng mga volunteer teachers upang matutukan ang pag-aaral ng mga bata sa kanilang lugar.

Nabatid na mayroon umanong 169 na bilang ng mga guro sa kanilang lugar habang ang enrollees ngayong taon ay umabot aniya sa 4,491.