TUGUEGARAO CITY-Inihayag ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na muling bubuksan ang kanilang molecular laboratory bukas, sa araw ng Lunes.

Ito ay matapos ang periodic maintenance na sinimulan nitong araw ng Miyerkules na magtatapos ngayong araw May 23, 2021 para matiyak na maayos ang kanilang mga RT-PCR machine.

Ayon kay Dr. Baggao, sensitibo ang mga naturang machine na kahit kaunting tulo ay maaari itong masira kung kaya’t kailangang masiguro na maayos ang building.

Sakabila nito, sinabi ni Baggao na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng specimen katuwang ang Department of Health kung saan kanilang ipinatupad ang “ rerouting ng specimen” .

Aniya, sa DOH-region 2 pansamantala dinadala ang mga specimen na silang sumusuri para matiyak na patuloy pa rin ang paglabas ng resulta.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Baggao na malaking tulong ang pagpapatupad ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong probinsya sa pagbaba ng bilang ng mga nagpopositibo sa lalawigan.

Sa ngayon aniya, umaabot na lamang sa 85 ang kumpirmadong kaso na nasa kanilang pagamutan kung saan 63 rito ay mula sa Cagayan, 17 sa Isabela at lima sa Tabuk.

Mula sa nasabing bilang, sinabi ni Dr. Baggao na tatlo sa mga ito ay maituturing na severe habang ang iba ay maayos ang kondisyon.